Diyos ko, hindi ako makapaniwalang nagising ako ngayong umaga. Minsan, naiisip ko na baka bumigay na ako...na tuluyang mawalan ng sigla ang aking kaluluwa. Minsan, naiisip ko kung tama nga bang pinadala N'yo ako rito sa lupa…kung tama bang pinalasap N'yo sa akin kung paano ang mabuhay. Nung hindi pa ako tao, hiniling ko po ba sa Inyo na maging tao ako? Sana, sana hindi N'yo na lamang ako pinakinggan..dahil alam kong hindi na ako maaaring bumawi. Hindi ko na pwedeng hilingin na maging parte muli ng hangin, o maging isa sa mga bituing kumukutikutitap sa kalangitan tuwing gabi. Marahil nangako Kang tutuparin Mo ang kahilingan ko, kahit ilang beses Mo akong binigyan ng babala, pero dahil sabi ko sa Iyo na iyon ang makakapagpaligaya sa akin, ginawa Mo para sa akin. Bakit po ba hindi ako nakinig sa Inyo? Bakit ko pa po ipinagpilitan ang isang bagay na magdudulot lamang ng paghihirap?
Sa totoo lang, naiintindihan ko na po kung bakit Ninyo ipinaranas sa amin ito. Naiintindihan ko na po ang kahulugan ng pagpapakasakit, hindi para sa sarili, kung hindi para sa iba. Naiintindihan ko na po na ang limitasyon ko ay malalampasan din pagdating ng tamang panahon, na ang lahat ng kagustuhan ko'y mapapasaakin din subalit mayroong kapalit.
Isa na ako sa mga taong hindi marunong magpahalaga sa mga bagay na nandyan. Isa na ako sa mga taong nagsisimulang magpabaya ng sarili. Isa na ako sa mga taong nagpapakalunod sa makamundong pagkakamulat na walang naidulot kung hindi puro kasalanan.Isa na ako sa mga taong nagdadahilan na hindi makagawa ng mabuti dahil hamak na tao lamang. Isa na ako sa mga taong nagpapaalipin sa idinidikta ng lipunan, waring malaya, subalit hindi. At isa na ako sa mga taong nagpakabulag dahil inakalang tunay ang nararamdaman.
Panginoon ko, pagod na pagod na po ako. Ilang taon ko na po bang paulit-ulit na sinasambit ito? Ilang beses Nyo na po bang narinig ito mula sa aking mga labi at puso? Pero bawat taon, heto pa rin ako, buhay at nananalangin sa Inyo, sapagkat hindi ko kayang kitilin ang sarili kong buhay. Hindi ko kayang hindi bigyang halaga ang regalong ito na nagmula sa Inyo.
Pero, isang hiling lamang po…na sana sa pagmulat ng aking mga mata tuwing umaga, maramdaman ko ang pag-ibig Mong nag-uumapaw dahil kung hindi ko na maramdaman ang init ng Iyong mga yakap, marahil tuluyan na akong maliligaw sa landas na aking tinatahak.
Mahal kita, Panginoon. Hindi sapat na sabihin lamang ito, subalit napakahirap patunayang tunay Kang mahal. Hindi ako karapatdapat sa Iyong pagmamahal, subalit hindi ko na magawang talikuran ang Iyong mga yakap. Nais kong manatiling nakatiklop sa Iyong mga braso, at tuluyang mawala sa mundong makamandag.
Nais kong maintindihan ang kahulugan ng aking bawat paghinga.
Nais kong maabot ang rurok ng kaalamang bumabalot sa aking pagkatao.
Nais kong maisapuso ang dahilan ng aking pagkakaluwal sa mundong ito.
Higit sa lahat, nais kong ibigay ang aking sarili…sa Iyo…buong-buo…walang pag-aalinlangan…
Kung iyan ang nakatakda para sa akin.